250,000 metric tons imported rice mula Vietnam at Thailand, halos kumpleto na – NFA
July 12, 2018

Mayroon na lamang 52,600 MT ng imported rice na inangkat ng National Food Authority (NFA) ang inaasahang darating sa bansa ngayong buwan.

Ito ay para makumpleto ang 250,000 MT ng bigas na inangkat sa Vietnam at Thailand sa pamamagitan ng government to government scheme.

Ayon kay NFA Administrator Jason Aquino, as of July 10, aabot na sa 197,400 MT ng imported rice ang dumating na sa bansa.

Aniya, 42,600 MT o 852,000 bag ang nai-deliver na sa mga designated NFA warehouses habang ang 154,800 MT o mahigit sa tatlong milyong bag ay kasalukuyan pang ibinababa sa mga daungan. Ito ay katumbas ng 79% ng contracted volume.

Sinabi pa ni Aquino na halos lahat ay nakakatanggap na ng initial allocations maliban sa Tacloban. Samantala, dumating na rin sa Bacolod ang shipment na 4,000 MT ng imported rice.

Kaugnay nito, paiigtingin pa ng NFA ang monitoring sa distribution ng murang bigas sa mga pamilihan upang matiyak na direktang pakikinabangan ito ng marginalized sector.

Hiniling din nito ang kooperasyon ng publiko para bantayan ang tiwaling gawain ng ilang negosyanye tulad ng diversion, o adulteration ng NFA rice para kumita nang malaki. | ulat ni Rey Ferrer