DOF, umaasang may malasakit sa taumbayan ang mga mahahalal na mambabatas
May 09, 2019

Umaasa si Finance Secretary Sonny Dominguez na kung sino man ang mga maidedeklarang mambabatas pagkatapos ng eleksyon, ay magkaroon ng puso para sa mga Filipino.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Dominguez na mahalaga kasi ang papel na ginagampanan ng Kongreso para maisulong ang mga programa ng pamahalaan, kung saan, ang mga mamamayang Filipino rin ang makikinabang.

Umaasa si Dominguez, na mangingibabaw sa mga ito ang pusong maglingkod, tulad ng laging ikinakabit ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya.

Aniya, ngayon mas lalong kailangan ang kooperasyon mula sa dalawang kapulungan ng Kongreso, dahil marami pang mga nakalinyang proyektong dapat matapos ang Duterte administration.

Nasa Kongreso kasi ang ‘power of the purse’, o ang kapangyarihang mag-apruba sa proposed budget na inihahanda ng budget department, na nasa ilalim ng executive branch. | ulat ni Racquel Bayan