Flexi-time, compressed work week, magbebenepisyo sa mga nagtatrabahong PWDs, retirees, mga buntis – TUCP
May 23, 2019

Ikinatuwa ng labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang pagkakapasa sa Senado ng panukalang flexible working time at compressed work week.

Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, sa pamamagitan nito ay mas madadagdagan ang option sa employment opportunity ng mga marginalized workers katulad ng mga persons with disability, senior citizens at mga pregnant working mothers ng hindi nangangamba na makaltasan ng sahod o kaya ay mga benepisyo.

Makikinabang na rin sa nasabing batas ang mga mag-asawa na parehong nagtatrabaho sa parehong kumpanya pero kailangang mag-alaga ng kanilang anak sa bahay sa pamamagitan ng pagpasok sa magkaibang different flexible time arrangement.

Nilinaw naman ng labor group na ang batas ay hindi lubusan.

Ang mga empleyado na nakakaramdam ng sobrang pagod o overwork sa ilalim ng flexi-time at compressed work week scheme ay may option na hindi mag-avail ng scheme

Hindi rin ito pwedeng ipilit o walang kapangyarihan ang mga employer na mag-impose dahil ang batas ay boluntaryo.

Kung hindi aniya magkakasundo ang employees at employers sa flexi-time at compressed work week arrangement, hindi ito maipapatupad.  | ulat ni Rey Ferrer