Gatchalian, nanawagan sa Senado para sa pag-apruba ng kanyang panukalang SIM Card Registration Act
May 17, 2018

Kasunod ng pagpapatibay sa Kamara ng kanilang bersyon ng panukalang SIM Card Registration Act, agad naman nanawagan si Senador Win Gatchalian sa kanyang mga kasamahang senador para isaprayoridad na rin ang pag-apruba ng kanyang Senate Bill No. 203 o ang bersyon ng Senado ng naturang panukalang SIM Card Registration Act.

Sinabi ni Gatchalian na nagawa na ng Kamara ang bahagi nito kaya ngayon, ang pag-aksyon na ng Senado na lang ang hinihintay para mai-transmit na sa Malacañang ang nasabing SIM Card Registration Act para sa paglagda ng Pangulong Duterte.

Ani Gatchalian, kanyang inaasahan na madali nang makakalusot sa Senado ang panukalang hakbangin dahil sa malakas na suporta dito ng mga kasamahang senador.

Tinukoy ng mambabatas na noong 2016, pitong bersyon ng panukalang SIM Card Registration Act ang magkakahiwalay na naihain ng 10 senador na sina Senador Richard Gordon, JV Ejercito, Ping Lacson, Loren Legarda, Manny Pacquiao, Tito Sotto, Joel Villanueva, Cynthia Villar at ang kanyang sarili.

Sa panukala, ang mga bumibili ng SIM card ay kailangang irehistro ang mobile phone number at kailangan ding magprisinta ng isang valid photo ID. | via Jojo Ismael