Gordon, ipinamamadali ang pagbubukas ng Subic Bay International Airport para mapagaan ang trapiko sa Metro Manila
July 12, 2018

Nananawagan si Sen. Richard Gordon para sa muling pagbubukas ng Subic Bay International Airport (SBIA) para makatulong sa pagpapagaan ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.

Para kay Senador Gordon, hindi na natin dapat pang palampasin ang pagkakataong ito na mabuksan muli ang SBIA para mapaluwag ang Metro Manila at makakuha ng mga karagdagang investment sa Central at Northern Luzon na magbibigay ng trabaho sa marami nating mga kababayan at higit na tax collection para sa bansa.

Ayon sa senador, tayo ay may tatlong airport at tatlong seaport sa pagitan ng Maynila at gitnang Luzon at malaki na rin ang ating naipuhunan sa pagtatayo ng road connectivity sa buong Central at Northern Luzon tulad ng North Luzon Expressway (NLEx), Subic–Clark–Tarlac Expressway (SCTEx), at Olongapo-Gapan highways at ang malapit na rin aniyang matapos na cargo railway sa pagitan ng Clark at Subic at Clark at Maynila.

Punto pa ni Gordon, nang dahil sa napapadalas na  pagkakaantala ng flights sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), napapanahon umano ang muling pagbubukas ng Subic Bay International Airport upang maiwasan ang mga ganitong pagkaka-delay ng mga biyahe.

Nauna rito, sinabi ni Transportation Secretary Arthur Tugade na ang SBIA ay maaari nang bumalik sa operasyon sa ikalawang bahagi  ng taong 2019 sa ilalim ng isang revival program. | ulat ni Jojo Ismael