Kaso ng mga nagkakasakit sa kidney sa bansa, pabata ng pabata
June 11, 2019

Sa Media Forum sa Quezon City, sinabi ni Dr. Rizza Antoinette So-Rubio, Chief Fellow, Adult Nephprology ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), ang dahilan nito ay ang nagbabagong lifestyle ng mga kabataan partikular sa klase ng kanilang kinakain at kawalan ng physical na aktibididad.

Base sa datos ng NKTI, may kabuuang 10,800 Pinoy ang naidadagdag na bagong kaso ng chronic kidney disease (CKD) kada taon.

Habang 30,000 hanggang 40,000 pasyente na may chronic kidney problem ang nangangailangan ng dialysis.

Nasa 7,109 CKD patients na ang naitala ng NKTI as of 2017 at mahigit sa 240 transplants ang naisasagawa ng NKTI kada taon.

Sa paggunita ng taunang National Kidney Month Celebration, magbibigay ng libreng kidney check screening ang NKTI tuwing Biyernes ngayong buwan ng Hunyo.

Bukod sa libreng check up sa kidney, magpapatupad rin ng lay forum at information campaign ang NKTI tungkol sa Leptospirosis prevention, Digital Rectal exam and Men’s Health Forum at Urology In-House Surgical Mission.

Isinusulong din ng NKTI ang Renal Health Advocacy Programs tulad ng Renal Disease Control Program na isasagawa sa iba’t ibang areas sa Cagayan de Oro City, San Mateo, Rizal, Iloilo City at San Fernando, La Union.  | ulat ni Rey Ferrer