Manila Water, maglalagay ng karagdagang line booster sa QC, Rizal
May 16, 2019

Maglalagay pa ng karagdagang line boosters ang Manila Water sa ilang bahagi ng Quezon City at lalawigan ng Rizal sa mga susunod na araw.

Layon nito na mapalakas pa ang pressure at maihatid ang suplay ng tubig 24/7 sa matataas na mga lugar kung saan nakakaranas pa ng mahinang suplay.

Una nang naglagay ng karagdagang 64 line boosters ang Manila Water sa kabuuan ng East Zone.

Inaasahan na makakapagdulot ito ng mas mahaba pang oras ng pagkakaroon ng tubig sa may 98% ng mga costumer ng Manila Water.

Kasalukuyan nang nakakaranas ng higit sa walong oras na suplay ng tubig hanggang sa unang palapag ng gusali.

Ang mga line booster ay isa lamang sa mga technical solution upang maihatid ang suplay ng tubig sa mga matataas at malalayong lugar na siniserbisyuhan ng Manila Water.

Una nang naglagay ng 26 na line booster ang Manila Water sa Quezon City, siyam sa Taguig City, lima sa Mandaluyong City, 14 sa Rodriguez sa Rizal, tig-tatlo sa San Mateo at Antipolo City, dalawa sa Binangonan at tig-isa sa Taytay at Angono.  | ulat ni Rey Ferrer