Mga larawan ng inangkat na NFA rice, plano na ring ilagay sa NFA retail outlets para maging gabay ng mga mamimili
July 13, 2018

Ikinukunsidera ng National Food Authority (NFA) na maglagay ng mga larawan ng imported rice na inangkat nito sa retail outlets sa mga pamilihan na magsisilbing gabay ng mga mamimili.

Ayon kay NFA Director at Spokesperson Rex Estoperez, sa ganitong paraan ay malalaman ng mga mamimili kung ang kanilang binibiling murang bigas ay ang orihinal na inangkat ng ahensiya o namanipula na ng mga tiwaling negosyante.

Aminado ang NFA na may mga kaso na pinapalitan ang mga imported rice ng mahihinang klase ng bigas at ibenebenta na bilang commercial rice at sa mataas na presyo.

Pagtiyak pa ni Estoperez na magandang klase ang bigas na inaangkat ng NFA pero ibinibenta ito sa halagang P27 at P32 bawat kilo lamang.

Kapag may larawan ng sample na NFA rice, maikukumpara na ng mamimili ang bibilhing bigas at malalaman kung ito ay napapalitan.

Kailangan lamang aniya dito ang aktibong partisipasyon ng publiko para malaman din ng ahensiya.

Kaya inilunsad ang Kontra Abuso Hotline na 09278715921 para maging sumbungan ng bayan.  | ulat ni Rey Ferrer

Photo courtesy: pna.gov.ph