Napaulat online na pagkalbo sa bundok sa Boracay Island, ikinabahala ng DENR
May 16, 2018

Nagpahayag ng pagkabahala ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa napaulat sa social media na pagkapatag ng isang bundok malapit sa eco-village multi-purpose gym sa Barangay Yapak, Boracay Island.

Batay sa report ng field office ng DENR, nangyari umano ang pagkalbo sa bundok bago pa man isailalim sa anim na buwang shutdown ang isla epektibo noong April 26.

Pero sa kabila nito, ipinag-utos ni Environment Secretary Roy Cimatu ang agarang pagpapatigil sa lahat ng uri ng konstruksyon sa isla bilang pagpapakita na seryoso ang ahensya sa enforcement ng environment laws, rules at regulations.

Sabi pa ng kalihim, ipinag-utos din niya ang ‘moratorium’ sa pag-iisyu ng DENR permits kabilang na ang environmental compliance certificate (EEC), tree cutting permit at iba pang clearances.

Hindi naman sakop nito ang mga aplikasyon na may kinalaman sa nagpapatuloy na road widening project ng DPWH sa Boracay.

Samantala, welcome naman sa DENR ang anumang suhestiyon, opinyon o reklamo ng publiko pero dapat maging responsable at berepikado ang pagre-report online upang hindi ito magdulot ng kalituhan. | via Shane Juan