Notice of disallowance ng COA na inisyu sa PAGASA weather bureau, ikinadismaya ng S&T personnel
July 12, 2018

Isang malaking problema ngayon ng state weathermen ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) weather bureau at mga science workers ng Department of Science and Technology (DOST) ang inilabas na notice of disallowance ng Commission on Audit (COA).

Ipinababalik kasi ng COA ang umano’y sobra-sobrang longevity pay na kanilang natanggap sa ilalim ng implementasyon ng Republic Act No. 8439 o ang Magna Carta para sa mga scientist, engineer, researcher at iba pang S&T personnel ng gobyerno.

Ayon kay Philippine Weathermen Employees Association President Ramon Agustin, hindi na mapakali ang PAGASA workforce sa kung paanong paraan maibabalik ang ipinasasauling allowance.

Sinabi ni Agustin na 15 taon nang natatanggap ng government science workers ang allowance base na rin sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng nasabing batas at umiiral na DOST Administrative Order No. 005 na epektibo noon pang taong 1999.

Malaking tulong aniya ang longevity pay sa kanilang hanay dahil binibigyang solusyon nito ang isyu ng ‘brain drain’ sa Science community ng Pilipinas at napipigilan ang pangingibang bansa ng mga tinatawag na ‘seasoned weather forecasters’ ng ahensya.

Umapela naman ang pamunuan ng PAGASA sa COA at sinabing ligal at regular ang ibinayad na allowance sa kanilang mga opisyal dahil dumadaan naman ito sa masusing auditing at walang intensyon ng misrepresentation sa kanilang panig.  | ulat ni Rey Ferrer