Operasyon ng MRT-3, mag-iisang buwan ng walang aberya
May 17, 2018
Halos isang buwan ng hindi nakakapagtala ng aberya sa operasyon ang Metro Rail Transit Line-3 (MRT-3).
 
Ang good news na ito ayon sa Department of Transportation (DOTr) ang pinakamatagal na ‘no unloading incident streak’ ng MRT-3 sa nakalipas na halos pitong taon.
 
Aminado naman ang ahensya na hindi talaga maiiwasan na magkaroon ng problema sa operasyon ng train line pero sinisikap ng mga kinauukulan na maisaayos ang pagpapatakbo sa tren.
 
Kabilang sa mga hakbang na ginagawa ay ang nalalapit na implementasyon ng rehabilitation and maintenance project para sa MRT-3 katuwang ang Japan International Cooperation Agency (JICA).
 
Ayon sa report, paglalaanan ito ng P16.9-B na pondo sa layuning maibalik sa original design condition ang pasilidad ng MRT-3.
 
Inaasahan na sa Hunyo lalagdaan ang loan agreement at pag-takeover ng bagong maintenance provider mula sa pangangasiwa ng MRT-3 maintenance transition team (MTT).
 
Samantala, sa kasalukuyan ay may 15 operational at running trains ang MRT-3 at nasa halos walong minuto ang headway o minuto ng pag-aantay sa susunod na biyahe ng tren sa bawat istasyon. | via Shane Juan