Pagpapalawak ng broadband access sa buong bansa, napagkasunduan na ng NEA at DICT
July 11, 2018

Nagkasundo na ang pamunuan ng National Electrification Administration (NEA) at Department of Information and Communications Technology (DICT) para sa pagpapalawak ng broadband access sa mga kabahayan sa buong bansa.

Sinabi ni NEA Administrator Edgardo Masongsong kay DICT Acting Secretary Eliseo Rio, Jr., posible aniya na maikabit ang broadband connectivity sa mga rural area sa pamamagitan ng 121 electric cooperatives o ECs.

Naniniwala naman si DITC Acting Secretary Rio na malaki ang tungkulin na gagampanan ng NEA at ang ECs upang masiguro ang matagumpay na pagpapatupad ng proyekto.

Dahil 95 porsiyento ng mga tahanan sa buong bansa lalo na sa mga rural area ay may access ang NEA.

Dagdag pa ng NEA chief, ilang electric cooperative lalo na sa Mindanao ay mayroon ng fiber optic infrastructure at madali na para kabitan ng internet services ang komunidad na kanilang pinagsisilbihan.

Nagpasya na rin ang NEA at DICT na bumuo ng technical working group na magbabalangkas ng isang framework agreement kasama na ang financial arrangement sa mga ECs na mayroon ng existing fiber optic cables sa kanilang distribution lines at ang posibleng pagpopondo sa mga power utilities na wala pang fiber optic sa kanilang grid.

Una nang tiniyak ni Masongsong na suportado nito ang National Broadband Plan na proyekto ng Duterte administration. | ulat ni Rey Ferrer

 

Photo courtesy: DICT