Posibleng impact ng trade war ng US at China sa Pilipinas, tutukuyin pa ng pamahalaan
May 08, 2019

Tutukuyin muna ng pamahalaan kung anong partikular na industriya sa Pilipinas ang posibleng maapektuhan ng trade war ng Estados Unidos at China.

Sa economic briefing sa Malacañang, sinabi ni Finance Secretary Sonny Dominguez na bagama’t posibleng makaapekto ang trade war na ito sa ilang industriya sa Pilipinas, hindi naman ganoon kalaki ang inaasahang impact nito sa bansa.

Aniya, ang Pilipinas kasi ay hindi naman maituturing na big trading country, at hindi rin naman malaki ang export ng bansa.  Mas umaasa aniya ang Pilipinas sa domestic investments para sa Gross Domestic Product  o GDP.

Paliwanag pa ni Dominguez, mayroon lang kasing mga partikular na industriya ang nag-e-export sa China.  Halimbawa ang mga piyesa ng computers at cellphones.

Kaya naman makikipag-ugnayan muna sila sa industriyang ito upang malaman at i-evaluate kung sa papaanong paraan sila maaapektuhan bago sila makapagpayo kung ano ang angkop na aksyon para i-address ito.  | ulat ni Racquel Bayan