Sen. Gatchalian, nais ipasara ang foreign-owned business na lumalabag sa batas ng PH
May 09, 2019

Ipasara ang mga negosyong pagmamay-ari ng dayuhan kapag napatunayang hindi sumunod ang mga ito sa batas ng Pilipinas.

Ito ang panawagan ni Senador Sherwin Gatchalian sa mga ahensya ng gobyerno sa gitna na rin ng isyung may mga restaurant na exclusive lang para sa mga Chinese.

Ayon sa senador, dapat prayoridad dito sa ating bansa ang mga Pilipino.

Marami aniyang batas ang bansa para masigurong hindi makakapasok ang mga dayuhan sa espasyo sa merkado na nakalaan para sa mga negosyong pagmamay-ari ng mga Pinoy.

Kabilang sa mga batas na yan ang Republic Act 7042 o ang Foreign Investments Act of 1991 na nagsasabing ang pagtatayo ng mga small and medium-sized business, gaya ng mga restaurant, na may kapital na mas mababa sa $200,000 dollars ay para lamang sa mga Pilipino.

Habang ang RA 8762 naman o ang Retail Trade Liberalization Act of 2000 ay nagsasabing ang mga Pilipino lamang ang maaaring magmay-ari ng mga retail enterprise gaya ng mga convenience store na may kapital na hindi hihigit sa $2.5 million dollars.

Kaya naman panawagan ni Gatchalian sa gobyerno na kumilos at ipasara kaaagad ang mga negosyong lumalabag sa mga batas na ito.

Dapat aniyang proteksyunan ng estado ang interes ng mga Pilipino na konsyumer at may-ari ng negosyo.  | ulat ni Nimfa Asuncion