Adbokasiya para sa mga bata, inaasahang ipagpapatuloy ni Miss Universe Catriona Gray
December 18, 2018

Nagpaabot ng kanilang pagbati ang Salinlahi Alliance for Children’s Concerns, sa pagkapanalo ni Catriona Gray sa Miss Universe beauty pagent.

Ayon sa child rights group, labis nilang hinahangaan ang ipinakitang galing at talino ni Catriona, hindi lamang sa pagrampa kundi pati na rin sa pagsagot sa tanong ng mga hurado.

Anila, sa pamamagitan ng adbokasiya ni Gray nalaman ng mundo ang kondisyon ng mga bata sa Tondo, Manila, na naabanduna na ng magulang, walang bahay, walang makain at mga biktima ng pang-aabuso.

Bukod dito, nakikita rin umano sa adbokasiya ni Gray ang kulang na suporta at programa ng pamahalaan sa mga bata sa mahihirap na lugar.

Sinabi naman ng grupo, na umaasa sila na dahil sa pagkapanalo ni Gray, ay mas lalalim pa ang kanyang partisipasyon sa mga ‘community project’ at makakatulong pa lalo sa pagsulong ng mga karapatang pambata. | ulat ni Rey Ferrer