CSSDO, nakiusap sa mga magulang na bantayang mabuti ang mga anak sa kasagsagan ng Kadayawan
August 15, 2018

DAVAO — Sa kabila ng paglalagay ng mga children’s desk sa bawat event sa Kadayawan Festival sa Davao, nakikiusap ngayon ang City Social Services Development Office (CSSDO) sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak lalo na sa mga lugar na dinudumog ng maraming tao.

Ayon kay Maria Luisa Bermudo, head ng CSSDO, hindi nito pinipigilan ang mga magulang na dalhin ang kanilang mga anak at makisaya sa pagdiriwang ngunit mahigpit na pinaaalalahanan ang mga ito na bantayang mabuti ang kanilang mga anak upang maiwasang mawala sa kanilang mga paningin.

Ang naturang children’s desks ay inilagay sa mga lugar kung saan isinasagawa ang mga aktibidad sa Kadayawan simula noong Agosto 13 at magpapatuloy hanggang 19.

Ang nasabing desks ay magsisilbing quick response teams upang tumugon sa pangangailangan ng mga kabataan kabilang na rito ang mga nawawala sa kasagsagan ng mga aktibidad.

Ang children’s desks ay bahagi ng programa ng Davao City Social Services and Development Office-Quick Response Team for Children’s Concern (CSSDO-QRTCC) na inilalagay sa mga lugar kung saan may isinasagawang malalaking aktibidad gaya ng Kadayawan at Araw ng Davao upang maiwasan ang pagkawala ng mga ito o tulungan ang mga kabataanan na napawalay sa kanilang mga magulang sa kasagsagan ng mga aktibidad. | ulat ni Sheila Lisondra – DXRP Radyo Pilipinas Davao