Fil-Am model na si Kelsey Merritt, kauna-unahang Pinay na rarampa sa tanyag na Victoria’s Secret Fashion Show
September 08, 2018

Idinaan ng Filipino-American model na si Kelsey Merritt sa social media ang kanyang kasiyahan at excitement matapos kumpirmahin na kasama siyang rarampa sa sikat na Victoria’s Secret Fashion Show.

Ayon kay Merritt, matagal na niyang pangarap na  makasali sa prestisyosong fashion show kaya naman malaking karangalan para sa kanya na maging kauna-unahang Pilipino na lalakad sa runway kasama ang iba pang mga sikat na Victoria’s Secret Angels.

Dati nang gumagawa ng mga ad si Merritt para sa kompanya. Bago naman tuluyang makuha ang go signal sa fashion show ay kinailangan niya pang sumalang sa isa pang screening.

Ang naturang fashion show ay isang taunang event kung saan ibinibida at inirarampa ang mga pinakabagong lingerie collection ng naturang brand.  Kabilang sa mga sikat na Victoria’s Secret Angels ay sina Tyra Banks, Heidi Klum, Adriana Lima, Alessandra Ambrosio, at Miranda Kerr.  | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Photo courtesy: @kelseymerritt