Heart Evangelista, magpapahinga muna sa showbiz; Bacoor City Mayor Lani Mercado, nilinaw ang selfie photo ni former Senator Bong Revilla Jr.
June 23, 2018

Pansamantala munang magpapahinga sa showbiz si Heart Evangelista.

Ito ang inanunsyo ng actress sa kanyang Instagram account. Kasunod na rin ito ng dinanas niyang miscarriage sa sana’y panganay nila ni Sen. Chiz Escudero.

Ipinaabot nito ang kanyang pasasalamat sa suporta ng kanyang fans, kaibigan at kapamilya.

Hind naman nito binanggit kung hanggang kailan ang pamamahinga nito sa showbiz.

Samantala, nilinaw ni Bacoor City Mayor Lani Mercado ang isyu sa pagkukumpiska ng Philippine National Police (PNP) sa cellphone ng kanyang asawa na si former Senator Bong Revilla Jr., matapos lumabas sa social media nito ang kanyang selfie.

Ayon kay Mayor Lani, mayroong Facebook account administrator si Sen. Bong at ang naturang selfie na lumabas sa social media ay matagal nang litrato.

Aniya, inupload lamang ito bilang paggunita nga sa apat na taong anibersaryo ng pagkakakulong ng aktor sa PNP Custodial Center dahil sa pagkakasangkot sa PDAF scam. | ulat ni Kathleen Jean Forbes