Malacañang, nagpaabot ng pagbati kay Miss Universe 2018 Catriona Gray
December 17, 2018

Nagpaabot ng pagbati ang Palasyo ng Malacañang sa pagkakapanalo ni Catriona Gray na itinanghal bilang Miss Universe 2018.

Sa inilabas na statement ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sinabi nitong walang dudang ipinamalas ni Gray ang kumpiyansa at talino nito sa nabanggit na pandaigdigang patimpalak.

Ipinakita aniya ni Gray sa buong mundo na may kakayahan ang mga Pilipina na abutin ang kanyang pangarap sa pamamagitan ng pagtitiyaga, pagsisikap at determinasyon.

Muli aniyang inilagay ni Gray ang Pilipinas sa pandaigdigang mapa dahil sa angkin nitong kagandahan at gilas na kahalintulad sa maraming magagandang tanawin at nakakabighaning isla sa ating bansa.

Muli rin aniya nating maipagmamalaking tayo ay mga Pilipino kasunod ng karangalang bitbit ni Catriona Gray dahil sa pagkakapanalo nito sa Miss Universe 2018. | ulat ni Alvin Baltazar