Malasakit ng mga Pilipino, pinalutang ni Miss Universe 2018 Catriona Gray sa international community
December 17, 2018

Lumutang ang pagiging malasakit ng mga Pilipino sa international community kasunod ng idinaos na Miss Universe 2018 sa Thailand ngayong araw na ito.

Ayon kay dating Special Assistant to the President Christoper Lawrence “Bong” Go, ito ang ipinamulat sa buong mundo ni Miss Universe 2018 Catriona Gray, partikular nang ito’y sumalang sa question and answer portion ng naturang pandaigdigang timpalak.

Dagdag ni Go na pinatunayan din ni Catriona ang angking galing ng Pilipino na aniya’y nangibabaw sa iba pang 93 magagaling at naggagandahan ring mga kandidata sa iba’t ibang panig ng mundo.

Magsisilbi, ani Go, na inspirasyon sa ating mga kababayan ang pagkapanalo ni Gray na ikaapat na Pinay na kinoronahan ng prestihiyosong Miss Universe.

Taos puso ayon sa dating SAP chief niyang ipinahahatid ang kanyang pagbati kay Gray na nag-uwi ng karangalan sa bansa.  | ulat ni Alvin Baltazar