PCOO Asec. Mocha Uson, humingi ng tawad sa deaf community kaugnay ng sign language viral video
September 18, 2018

Humingi ng paumanhin si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson sa deaf community kasunod ng isa na namang viral video na ipinapakita ang pagsa-sign language ng kaibigan niyang blogger na si Andrew Olivar.

Idinaan ni Asec. Uson ang paghingi ng paumanhin sa facebook account kung saan inako din nito ang buong responsibilidad sa pabirong pagsa-sign language ng kaibigang si Olivar.

Apela ni Uson sa deaf community, sana ay matanggap nila ang kanyang paghingi ng tawad na kanya din idinaan sa pamamagitan ng sign language.

Isa si Sen. Nancy Binay sa mga unang umalma sa nabanggit na video na napag-alamang may akda sa kapapasa pa lamang na Filipino Sign Language Bill na ayon sa mambabatas ay isang discriminatory action at pagyurak sa deaf community.

Sa kabilang dako, ay tumanggi namang magkomento pa si Presidential Spokesperson Harry Roque hinggil sa kontrobersiya. | ulat ni Alvin Baltazar