Pelikulang “Sid and Aya”, patuloy na tumatabo sa takilya; Hollywood actress Rose McGowan, nahaharap sa kasong may kaugnayan sa iligal na droga
June 14, 2018

Patuloy na tumatabo ngayon sa takilya ang pelikulang “Sid and Aya” sa kabila ng mga kasabayang malalaking Hollywood films na tampok sa mga sinehan ngayon sa bansa.

Kinumpirma ng Viva Films na siyang producer ng naturang pelikula na aabot na sa mahigit P132-M ang kita ng pelikula sa loob lamang ng dalawang linggo.

Ito ang kauna-unahang pelikulang pinagtambalan nina Anne Curtis at Dingdong Dantes.

Kuwento ito tungkol sa isang insomniac na lalaki na si Sid na kinuha si Aya para makasama sa mga walang tulog nitong gabi hanggang sa mapalapit na ang loob ni Aya sa kaniya.

Sa ibang balita, 10 taong pagkakabilanggo ang kinahaharap ngayon ng aktres na si Rose McGowan.

Ito’y matapos masakdal sa isang grand jury sa Virgina, USA dahil sa kasong cocaine possession.

Nakuha ng mga autoridad ang cocaine sa wallet ng aktres nang maiwan niya ito sa eroplano noong nakaraang taon.

Pinabulaanan ito ni McGowan at itinuro ang movie producer na si Harvey Weinstein na siyang responsable sa paglalagay ng iligal na droga sa pitaka niya. | ulat ni Eunice Garcia-Langcauon