PNP Chief, dumistansya sa pahayag ni Miss Universe Catriona Gray ukol sa medikal na gamit sa marijuana
December 18, 2018

Dumistansya si Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde sa pahayag ni Miss Universe Catriona Gray na pabor siya sa paggamit ng marijuana bilang gamot.

Ayon kay Albayalde, makabubuting ipaubaya na lamang sa mga eksperto tulad ng mga doktor, o sa Department of Health, ang pagdetermina kung talagang kailangang gamitin bilang gamot ang marijuana.

Paliwanag ni Albayalde hindi pa naman naisasabatas ang pag-legalisa ng marijuana, kaya hindi pa masabi sa ngayon kung ano ang magiging epekto nito sa law enforcement.

Mayroon kasi aniyang palaging panganib sa posibleng pang-aabuso sa pag-gamit ng gamot.

Kung saka-sakali aniyang maisabatas ang paglegalisa sa marijuana, ay kailangang magkaroon ng strict enforcement.

Pero hanggang sa ngayon, nananatili pa ring nasa listahan ng mga ipinagbabawal na halaman ang marijuana kaya’t tuloy pa rin ang panghuhuli ng pulisya sa mga gumagamit nito. | ulat ni Leo Sarne