4 na magnanakaw, patay sa engkwentro sa Pampanga
June 13, 2019

Napatay ang apat na suspek sa serye ng mga pagnanakaw nang makipagbarilan ang mga ito sa mga pulis, sa Timoteo Road, Sitio Dudurot-Paligue, Brgy. Colgante, Apalit, Pampanga, kaninang alas-4:45 ng umaga.

Ayon kay Lt. Col. Elmer Decena, hepe ng Apalit Police, ang mga suspek ay iniulat na nagnakaw sa Alfamart convenience store sa Sitio Pampanga Branch, kaninang madaling araw at tumakas sakay ng isang pulang Toyota Innova, na may plakang NCF 409.

Agad aniyang naglunsad ng hot pursuit peration ang Apalit PNP, at namataan ng patrol ng 2nd Provincial Mobile Force Company ang sasakyan ng mga suspek.

Nang subukan ng mga pulis na harangin ang sasakyan ng mga suspek ay pinaputukan ng mga suspek ang mga pulis, na tumuloy sa palitan ng putok na ikinamatay ng mga suspek.

Narekober sa lugar ng engkwentro ang dalawnag kalibre 45 na baril, isang 9mm na baril at hindi pa madeterming halaga ng mga pera.

Dagdag pa ni Decena, sangkot na rin sa anim na serye ng pagnanakaw at akyat bahay ang mga nasawing suspek.

Inaalam pa ang kanilang pagkakakilanlan at nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga pulis. | ulat ni Leo Sarne