Baril na ginamit sa pagpatay kay Rep. Batocabe, narekober ng PNP
January 11, 2019

Narekober ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 5 at Camarines Sur Philippine National Police (PNP) ang baril na umano’y ginamit sa pamamaril kay AKO-Bicol Partylist Representative Rodel Batocabe, sa bahay ng isa sa mga suspek.

Sa report ni PNP CIDG Region 5 Director Sr. Supt. Arnold Ardiente na nakarating sa Camp Crame, nahukay ang baril sa loob ng poso negro ng bahay ni Emmanuel “Buboy” Rossello, sa Brgy. Sto. Niño, Camarines Sur, kahapon ng hapon.

Si “Buboy” na umano’y driver ng getaway motorcycle sa krimen, ang inutusan na magtapon ng baril na ginamit ng gunman na si Rolando Arimado alyas “Lando/RR”.

Ang mga narekober na kalas-kalas na piyesa ng 45 cal. na ginamit umano sa krimen ay binubuo ng isang slider, stabilizer, barrel, at bushing, kasama ang mga bala at dalawang magazine.

Isasailalim sa ballistics test ang baril kung magtutugma sa mga slug na narekober sa crime scene.

Ang pagkakarekober sa baril ay resulta ng patuloy na imbestigasyon ng PNP sa anim na prime suspeks na kasalukuyang nasa kustodiya na nila.  | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy:  PRO5