Bilang ng mga hinuli sa paglabag sa lokal na ordinansa, umabot na sa halos 30,000
July 05, 2018

Umabot na sa halos 30,000 ang mga hinuli dahil sa paglabag sa mga lokal na ordinansa sa National Capitol Region.

Sa datos ng National Capital Region Police Office (NCRPO) mula Hunyo 13 hanggang kahapon,Hulyo 4, 29,563 na ang kabuuang bilang ng mga hinuli na karamihan ay dahil sa paglabag sa smoking ban.

Mahigit 5,000 kabataan naman ang hinuli dahil sa paglabag sa curfew.

Kasama din sa mga hinuhuli ang mga nakahubad ng pang-itaas sa publiko, at iyong mga umiinom sa lansangan.

Nangunguna pa rin ang Eastern Police District sa bilang ng mga nahuhuli na mayroong mahigit 18,000.

Sumunod ang Southern Police District, Quezon City Police District, at Manila Police District habang nangungulelat naman sa bilang ng mga nahuhuling lumalabag sa mga lokal na ordinansa ang Northern Police District. | ulat ni Leo Sarne