Bilang ng mga maaapektuhan ng bagyong Ompong, umakyat na sa mahigit 5-M pamilya
September 14, 2018

Umakyat na sa 5.2 milyong pamilya ang inaasahang maapektuhan ng bagyong Ompong.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Edgar Posadas, ito ay tumaas mula sa initial estimate na mahigit apat na milyong pamilya kahapon.

Sa bilang ng mga maapektuhan, 983,000 indibidwal ang kinokonsiderang nasa below poverty line at mangangailangan ng tulong ng pamahalaan sa paglilikas.

Nilinaw naman ni Posadas na hindi lahat ng halos isang milyong ito ay kailangang isailalim sa pre-emptive evacuation.

Inaasahan naman ng NDRRMC na bago pa man mag-landfall ang bagyong Ompong ay nailikas na ang mga residenteng nakatira malapit sa mga danger zones at mga baybayin sa mga lugar na tatahakin ng bagyo.

Iniulat ni Posadas na alas-6 kaninang umaga, pumalo na sa 2,298 pamilya o 9,107 indibidwal ang nailikas sa regions 1, 2 and CAR at inaasahan pang patuloy na tataas ang bilang na ito hanggang bago mag-landfall ang bagyo bukas ng umaga. | ulat ni Leo Sarne