Dagdag na Scout Ranger battalion, dumating sa Sulu para tumulong sa pagligtas ng mga bihag ng Abu Sayyaf
May 17, 2018

Dumating sa Sulu ang isang karagdagang Scout Ranger battalion mula sa Marawi para tumulong sa pagligtas ng mga natitirang bihag ng Abu Sayyaf.

Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, Joint Task Force Sulu commander, sa pagdating ng bagong battalion, 11 battalion na ang available para ipangsabak sa Abu Sayyaf.

Ibinunyag ni Sobejana na ngayong may karagdagan na silang pwersa, naghahanda na ang JTF Sulu na maglunsad ng isang “massive focused military operation” para mailigtas ang mga nalalabing bihag ng ASG at lubusang mapahina ang Abu sayaf.

Alinsunod na rin aniya ito sa direktiba ng AFP Chief of Staff General Carlito Galvez sa JTF Sulu na ubusin na ang Abu Sayaf bago matapos ang Disyembre ng taong ito bago ang kanyang pagreretiro sa serbisyo.

Ayon kay Sobejana, nasa 300 na lang ang natitirang pwersa ng Abu Sayyaf.

Sinabi ni Sobejana na magre-readjust ng stratehiya ang JTF Sulu para ma-meet ang deadline sa taong ito pero aniya, maaring abutin sila ng dalawang taon bago tuluyang matalo ang ASG. | via Leo Sarne