PNP at AFP, pinuri ng DILG sa pag-aresto kay CPP member Vicente Ladlad
November 09, 2018

Tinitiyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na sasailalim sa patas na imbestigasyon ang kaso ni Communist Party of the Philippines (CPP) central committee member Vicente ‘Vic’ Ladlad na nahuli kahapon kasama ang dalawang iba pa.

Ang pahayag ay ginawa ni DILG Sec. Eduardo Año, kasabay ng pagpuri sa Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pagkaaresto kina Ladlad, Antonio De Jesus at isang ‘Ate Anna’.

Sinabi ni Año, patunay lamang daw ito na walang sinoman, kahit anong katayuan sa lipunan, ang mangingibabaw pa rin sa batas.

Si Ladlad ay may kinakaharap na 15 bilang ng kasong murder na nakasampa sa Branch 32 ng Manila Regional Trial Court.

Isinasangkot din ito sa “Oplan Venereal Disease” ng New People’s Army (NPA), na iniuugnay sa mass grave na nadiskubre noong Agosto 2006 sa Sitio Sapang Dako, Barangay Culisihan, Inopacan, Leyte.

Sinabi pa ni Año, nilabag ng tatlong naaresto ang Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition dahil sa mga armas na nakuha sa kanila.

Inaresto ang mga ito sa kanilang safehouse sa Barangay San Bartolome, Novaliches, Quezon City sa bisa ng search warrant na inisyu ng RTC Branch 89 ng National Capital Judicial Region.  | ulat ni Rey Ferrer