Dalawang naarestong suspek sa pagpatay kay General Tinio Nueva Ecija Mayor Bote, umamin na sa mga pulis
July 12, 2018

Ikinanta na ng dalawang naarestong suspek sa pagpatay kay General Tinio Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote kung sino ang nag-utos sa kanila na patayin ang alkalde.

Ito ang kinumpirma ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde.

Gayunpaman, hindi naman na pinangalanan ni Albayalde kung sino ito dahil subject pa ito sa manhunt operations ng pulisya.

Inamin na rin aniya ng dalawang nahuling suspek kahapon sa Del Gallego, Camarines Sur na sila ang bumaril kay Mayor Bote noong Hulyo 3 sa Cabanatuan City.

Ayon kay Albayalde, ang suspek na si Robert Gumacay ay umamin sa harap ng isang abogado habang si Florencio Suarez naman ay walang abogado nang umaming isa siya sa gunmen.

Apat hanggang walong baril rin aniya na karamihan ay kalibre kwarenta’y singko ang narekober sa mga ito.

Sa ngayon ay mas nagiging matimbang na umano ang anggulong away-negosyo ang motibo sa pagpatay kay Mayor Bote. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion