Filipino fishing boat, pinalubog ng suspected Chinese vessel sa Recto bank
June 12, 2019

Isang Filipino fishing boat (FB Gimber1) ang lumubog matapos itong banggain ng isang pinaghihinalaang Chinese vessel malapit sa Recto Bank sa West Philippine Sea.

Ayon sa statement ni Defense Secretary Delfin Lorenzana, ang insidente ay iniualat ng mga mangingisda noong gabi ng Hunyo 9.

Batay sa report, ang Filipino fishing boat ay naka-angkla nang banggain ito ng Chinese vessel, na agad ding umalis pagkatapos ng insidente.

Ang lahat ng Pilipinong crew ay nailigtas ng isang Vietnamese fishing boat na nasa bisinidad sa tulong ng BRP Ramon Alcaraz na nagpapatrolya sa lugar.

Mariing kinondena ni Lorenzana ang ginawa ng Chinese vessel, na pag-abandona sa 22 crewmen ng lumubog na fishing boat sa karagatan, na aniya ay hindi gawain ng mga responsable at palakaibigang tao.

Nagpasalamat naman si Lorenzana sa kapitan at crew ng Vietnamese fishing vessel sa kanilang pagsaklolo.

Nanawagan din si Lorenzana sa isang pormal na imbestigasyon sa insidente, at pagsasakatuparan ng kaukulang diplomatikong hakbang para maiwasang maulit ang insidente. | ulat ni Leo Sarne