Isa na namang vote counting machine, nasunog sa Zamboanga del Sur
May 16, 2019

Isa na namang Vote Counting Machine (VCM) ang natupok sa sunog at pagsabog sa San Pablo Central Elementary School sa Zamboanga del Sur kagabi.

Sa ulat ni Police Regional Office 9 Spokesperson Police Major Helen Galvez, na nakarating sa Camp Crame, alas-11:10 kagabi nang maganap ang pagsabog sa Purok Maloloy-on, Baranggay Poblacion na sinundan ng sunog sa paaralan.

Naapektuhan ng sunog ang Grade 6 room, kung saan, nakatago ang walong Vote Counting Machines (VCMs) na nag-malfunction noong halalan at election paraphernalia.

Agad na naapula ang sunog sa loob ng 10 minuto sa pagresponde ng San Pablo Fire Station, pero, nadiskubre na isang VCM ang nasunog.

Sinecure na aniya ng PNP ang nalalabing pitong palyadong VCM na hindi natupok ng apoy.

Ayon kay Galvez, batay sa inisyal na imbestigasyon, sinadya ang sunog sa pamamagitan ng pagbuhos ng gasolina, habang ang pagsabog ay dahil naman sa hand grenade. | ulat ni Leo Sarne