Isang notoryus na babaeng drug-pusher, nahuli ng San Juan Police
September 14, 2018

Nahuli na ng San Juan Police ang isang notoryus na babaeng drug pusher na subject na sa nakalipas na buy-bust attempts, makalipas ang isang operasyon noong Miyerkules ng gabi.

Base sa ulat na nakarating kay Eastern Police District (EPD) Director Senior Supt. Bernabe Balba mula kay San Juan Police Chief Senior Supt. Dindo Reyes, ang suspek ay kinilalang si Fatima Diwan, alyas Madam, 33-anyos, may-asawa at residente ng Brgy. West Crame sa San Juan City.

Nasakote si Diwan sa isang buy-bust operation na isinagawa ng mga pangkat ng Station Drug Enforcement Unit na pinamumunuan ni Senior Insp. Edwin Malabanan sa may 1st West Crame, bandang alas-siete y media ng Miyerkules ng gabi.

Ayon kay Reyes, si Diwan umano ay kilalang tulak ng droga, at nasa ilalim ng City Police’s Drug Watch List ngunit bigong sumuko sa Oplan Tokhang.

Base rin sa mga ulat, ang suspek ay nasa kalakalan na ng droga simula pa noong 2010 at pangunahing target na ng San Juan police.

Ayon pa sa opisyal, isinagawa ang operasyon makaraan ang isang linggong pagmamanman ng mga tao ng Drug Enforcement Unit na nakatanggap ng impormasyon na may isang ginang ang maghahatid ng iligal na droga sa kanyang buyer.

Noong isang taon, may inilabas ang mga opisyal ng Brgy. West Crame na isang 10 minutong video ng mga transaksyon sa droga ni Diwan na ipinapakita ang kanyang modus operandi sa dati niyang carinderia kung saan nag-o-order ang mga customer at nakukuha nila ang pagkain na may nakatagong sachet ng shabu sa loob.

Ang suspek ay kasalukuyang naka-ditine sa San Juan Police detention cell at humaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Drugs Act of 2002.  | ulat ni Ched Oliva