Joint campaign plan “Kapanatagan 2018-2022”, nilagdaan ng PNP at AFP
January 11, 2019

Nilagdaan kahapon ni Philippine National Police (PNP) Chief Dir. Gen. Oscar Albayalde at Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff Gen. Benjamin Madrigal ang “AFP-PNP Joint Campaign Plan Kapanatagan 2018-2022.”

Ang naturang kasunduan ay isang medium-term national campaign na naglalaman ng mga stratehiya ng AFP At PNP para matalo ang lahat ng threat groups at kriminal na elemento bago matapos ang termino ng Pangulo.

Nakasaad dito ang mga espesipikong hakbang na isasakatuparan ng AFP at PNP at areas of cooperation sa internal security, anti-criminality, at counter-terrorism.

Kabilang sa mga nakasaad sa plano ay ang pagbibigay ng PNP ng suporta sa AFP sa mga combat operations na kontra sa insurhensya at iba pang seryosong banta sa pambansang seguridad.

Nakasaad din dito na ang PNP ang mangunguna sa mga law enforcement operations kontra sa mga criminal syndicates at private armed groups na bibigyan naman ng aktibong suporta ng AFP.  | ulat ni Leo Sarne

Photo courtesy:  OCPNP