Kadete ng PNPA, namatay sa heatstroke 
May 16, 2019

Namatay ang isang bagong kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) sa Silang, Cavite nitong Martes dahil sa heat stroke.

Kinilala ni PNPA Director Brig. Gen Chiquito Malayo ang kadete na si Cadet 4th Class Al Rasheed Pendatun Macadato, 21-taong gulang, na tubong Kalilangan, Bukidnon.

Ayon kay Malayo, si Cadet Macadato ay 10-araw pa lang na sumasailalim sa New Cadet Summer Training Program sa Camp General Mariano Castaneda, Silang, Cavite.

Sinabi ni Malayo na bigla na lamang nag-collapse ang kadete habang nagsasagawa ng “road run”, bandang 4:45 ng hapon nitong Martes.

Naitakbo naman agad ang kadete sa PNP Medical Dispensary, at inilipat noong kinagabihan sa Qualimed Hospital, kung saan ito pumanaw.

Ayon kay Malayo, nakaapekto sa kanilang training schedule ang matinding init ng panahon, kaya pinapayuhan nila ang mga kadete na uminom nang 12 hanggang 16 na baso ng tubig kada araw.

Sa isang statement, tiniyak ni Malayo ang isang malalimang imbestigasyon sa insidente, para malaman kung may lapses sa pagpapatupad ng training schedule, kasabay ng pagtiyak na makakatanggap ng tulong ang pamilya ng biktima.  | ulat ni Leo Sarne