Kawalan ng security escort sa pagsunog ng VCM sa Isabela, pinaiimbestigahan ng PNP Chief
May 16, 2019

Pinaiimbestigahan ni PNP Chief Police General Oscar Albayalde kung bakit walang security escort ang mga may dala ng vote counting machines (VCM) na sinunog sa Isabela kamakalawa.

Ayon sa PNP Chief, malinaw na usapan na ng PNP, AFP at Comelec na dapat ay may security escort ang paghahatid sa mga election paraphernalia.

Magugunitang hinarang ng dalawang armadong suspek ang dump truck na sinasakyan ng BEI sa Bgy. Sta. Isabel, Jones, Isabela, at sinunog ang dalawang VCM, na dadalhin sana sa munisipyo nitong Martes.

Inanunsyo ni PRO2 Spokesperson Police Lt. Col. Chevalier Iringan, na nasa kustodiya na ng PNP ang dalawang suspek na sina Rodel Pascual, na nahuli noon ding Martes ng gabi sa hot pursuit operations, at si Jayson Leanio na sumuko naman sa barangay officials ng Sta. Isabel.

Sinabi naman ni Albayalde, na sa susunod ay kailangan ng “better coordination” sa pagitan ng lahat ng may kinalaman sa pagbibigay ng seguridad sa election paraphernalia, para maiwasang maulit ang insidente sa susunod na eleksyon. | ulat ni Leo Sarne