Malaking sunog na tumupok sa mahigit 400 bahay sa Catmon, Malabon City, naapula na; mga bumbero, nahirapan sa pagpatay sa sunog na umabot ng Task Force Bravo
May 24, 2018

Makalipas ang mahigit sa limang oras, tuluyan nang naapula ang malaking sunog na tumupok sa 450 bahay sa Sitio 6, Gov. Pascual Avenue na sakop ng Barangay Catmon sa Malabon City.

Sa panayam ng Radyo Pilipinas kay Malabon City Fire Marshal Supt. Severino Sevilla, ganap na alas 6:21 ngayong gabi idineklarang ‘fire out’ ang sunog na umabot ng Task Force Bravo.

Ayon kay Sevilla, naging pahirapan ang pag-patay sa sunog na sumiklab bago mag-ala 1:00 ng hapon kanina dahil bukod sa gawa sa light materials ay nahirapang makapasok ang mga trak ng bumbero at naubusan pa ng suplay ng tubig.

Kaugnay nito, kinumpirma pa ng opisyal na wala namang nawawala o nasawi sa insidente maliban lamang sa dalawang indibidwal na nagtamo ng minor injuries.

Mahigit sa 1,000 pamilya ang apektado ng insidente na pansamantala munang maninirahan  sa mga lansangan at covered court sa lugar kasabay ang panawagan na tulungan sila ng local government.

Tinatayang nasa P4.5-M ang halaga ng pinsala at patuloy na inaalam ng mga arson investigator ang pinagmulan ng apoy na natunton sa bahay ng isang Leonila Santos na iligal umano ang koneksyon ng kuryente.  | via Shane Juan