Malalimang imbestigasyon sa sunog sa weapons depot sa Sangley Point, ipinag-utos ng Phil Navy Chief
November 09, 2018

Ipinag-utos ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Robert Empedrad ang isang malalimang imbestigasyon sa naganap na sunog kaninang umaga sa Naval Ordnance Depot sa Sangley Point Cavite.

Sinabi ni Empedrad na sa ngayon ay itinuturing nilang isang isolated incident ang sunog sa isa sa mga igloos na naglalaman ng mga malilit na ammunitions kabilang ang M203 with smoke grenades.

Bagama’t naapula na ang sunog, sinabi ni Empedrad na mahirap pang pasukin ang lugar dahil sa panganib ng pagsabog na mga ammunition na naapektuhan ng sunog.

Tiniyak naman ni Philippine Navy Spokesperson Commodore Jonathan Zata na well trained ang Philippine Navy Ordnance personnel sa pag-handle sa sitwasyon.

Unang iniulat ni Commodore Jonathan Zata na nagsimula ang sunog kaninang 5:30 ng umaga at agad ding idineklarang fire-out kaninang 7:53 ng umaga.  | ulat ni Leo Sarne