Mas mabigat na parusa sa hazing, malaking tulong sa pulisya sa pagresolba ng mga kaso
July 13, 2018

Ikinatuwa ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde ang pagladga ng Pangulong Rodrigo Duterte sa Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018.

Ayon kay Albayalde, malaki ang maitutulong ng batas na ito para sa pagresolba ng PNP ng mga kaso ng hazing.

Naniniwala rin si Albayalde na kung hindi man tuluyang mawawala ay bababa na ang kaso ng hazing sa bansa.

Katunayan sa ngayon ay mababa na ang kaso ng hazing dahil mulat na ang publiko sa mga kahihinatnan ng sobrang pananakit sa initiation rites o hazing.

Sa ilalim ng bagong batas, ipagbabawal na ang anumang uri ng hazing sa anumang organisasyon.

Bagama’t pinapayagan pa rin ang initiation, kailangan munang humingi ng permiso sa autoridad ng paaralan pitong araw bago ito isagawa.

Sakaling magresulta sa anumang krimen ang initiation ay kakasuhan at papatawan ng parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong at multang tatlong milyong piso ang mga mapatutunayang sangkot sa krimen.

Mananagot rin maging ang paaralan, unibersidad, faculty, barangay o lokal na pamhalaan bilang kasabwat sa kaso. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion

Photo courtesy: PTV News