Mga miyembro ng CAFGU, binalaan ng AFP Chief na huwag makisawsaw sa politika
January 11, 2019

Binalaan ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of staff Gen. Benjamin Madrigal ang mga miyembro ng CAFGU o Citizens Armed Forces Geographical Units, na huwag makikisawsaw sa politika lalo na sa darating na plebesito ng Bangsamoro Organic Law (BOL) at midterm elections sa Mayo.

Ayon kay Madrigal, mahaharap sa kasong kriminal ang mga susuway sa kanyang kautusan.

Ang pahayag ni Madrigal ay matapos lumutang ang mga ulat na ginagamit ng ilang mga pulitiko ang CAFGU bilang kanilang Private Armed Groups (PAGs).

Kaugnay nito, inatasan ni Madrigal ang mga military area commanders na mahigpit na i-monitor ang mga CAFGU sa kani-kanilang hurisdiksyon.

Tiniyak pa ni Madrigal na mananatiling apolitical at non-partisan ang AFP at hindi basta-basta magbibigay ng military security escort sa isang kandidato na walang pahintulot ng Comelec.

Ang gagawin lang aniya ng AFP ay magbigay ng area security sa lahat ng kandidato na nais mangampanya sa isang lugar na may problema sa peace and order. | ulat ni Leo Sarne