Miyembro ng ASG, isinailalim sa inquest proceedings ng DOJ
March 22, 2019

Iniharap ng Intelligence Service Armed Forces of the Philippines (ISAFP) at  Criminal Investigation and Detection Group ( CIDG) si Karah Musa Salapuddin, 49 anyos, alyas Cesar, sa Department of Justice (DOJ), dahil sa patung-patong na reklamo sa pagkakasangkot nito sa insidente sa Banguingui, Sulu.

Mga reklamong frustrated multiple murder, illegal possession of explosives at illegal possession of firearms and ammunition ang isinampa ng ISAFP laban kay Salapuddin na mula sa Tungkil, Jolo, Sulu.

Itinakda naman ni Assistant State Prosecutor Ethel Rea Suril ang preliminary investigation sa kaso sa Marso 28.

Matatandaan na dalawang miyembro ng Philippine Marines ang nasugatan at nasa 500 residente ang napwersang lumikas sa isla ng Banguingui sa operasyon ng militar, para sagipin ang dalawang Malaysian national na dinukot ng ASG.  | ulat ni Lorenz Tanjoco