Mobile app na magagamit sa pagtawag sa pinakamalapit na emergency responders, inilunsad ng PNP
May 17, 2018

Inilunsad kahapon ng Philippine National Police sa tulong ng Samsung Electronics Corporation ang isang bagong mobile app na maaring gamitin sa pagtawag sa pinakamalapit na emergency responders para humingi ng tulong.

Ang bagong app na pinangalanang ‘321 Mobile’ application ay naglalaman ng database ng lahat ng updated na numero ng iba’t ibang national institution at facilities na maaaring tawagan sa oras ng emergencies.

Ayon kay PNP Police Director Napoleon Taas ng Directorate for Information and Communication Technology Management, kasama sa application ang mga numero ng mga police station at bumbero na maaaring tawagan ng isang cellphone user na may reklamo o nangangailangan ng tulong.

Mayroon aniyang GPS function ang app para awtomatikong matukoy nito ang pinakamalapit na emergency response unit sa humihingi ng saklolo sa pamamagitan ng Google Maps.

Ang application ay libreng kasama sa mga Samsung phones pero ito ay maaari ding i-download sa Google play para sa ibang mga android devices.