NCRPO, nakiusap sa media na ibalita ang mabubuting pulis
March 22, 2019

Umaapela si Police Major General Guillermo Eleazar sa media, na i-feature ang mga mabubuting pulis maliban sa iilan na nagkakasala sa tungkulin.

Sa forum ng National Press Club, sinabi ni Eleazar na mas nabibigyang airtime sa broadcast at online gayundin sa mga pahayagan ang mga pasaway na pulis na napakaliit lamang ang bilang, kumpara sa napakaraming tumutupad nang mabuti sa tungkulin.

Sinabi ni Eleazar, nakapaggawad na siya ng 100,000 na medalya ng kabutihan at karangalan sa libu-libong pulis na ang mga ginawa ay hindi na-feature sa media kumpara sa 417 na sinibak at 4,099 na nasakote sa mga entrapment at nakasuhan na.

Sa kabila naman aniya ng pangit na pagtingin ng publiko sa imahe ng pulisya, kumpiyansa si Eleazar na siyento por siyentong malaki ang tsansa na mapaganda at maisaayos ang PNP upang mapagtibay pa ang tiwala ng publiko sa hanay ng pulisya.

Patuloy ang panawagan ni Eleazar sa publiko na i-report sa Philippine National Police (PNP) ang mga pulis na sangkot sa katiwalian at mga abusado upang matanggal ang mga dapat na ma-dismiss at mabigyang pagkakataon ang mga nararapat na indibiduwal na makapasok sa serbisyo at makapagbigay ng maayos na paglilingkod.  | ulat ni Lorenz Tanjoco