Paalala ng DILG sa mga LGUs, gawing maayos ang paglipat ng kapangyarihan sa mga bagong halal na opisyal
May 16, 2019

Muling nanawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs) na tiyakin ang maayos na paglipat ng kapangyarihan at responsibilidad sa mga bagong halal na opisyal sa katatapos na halalan.

Ito na rin ang panahon na isantabi ang politika at interes ng partido, at sa halip, paghandaan ang pagpalit ng bagong pamamahala.

Aniya, nagsalita na ang taumbayan, at panahon na para magkaisa ang lahat at magtulong-tulong para sa kapakanan ng kanilang lokalidad.

Una nang naglabas ng Memorandum Circular ang DILG na nag-aatas sa mga LGUs na bumuo ng Local Governance Transition Teams.

Magiging trabaho ng transition team na magsagawa ng imbentaryo sa mga aria-arian ng LGU, pag-secure sa lahat ng official documents at records ng mga transaksyon, at iba pa.

Nagpahayag naman ng kahandaan ang DILG na magbigay ng trainings sa mga bagong halal na local officials, sa pamamagitan ng Local Government Academy.  | ulat ni Rey Ferrer