Pagbaba ni Lt. Gen. Galileo Kintanar bilang Air Force Chief, walang kinalaman sa korapsyon — AFP Spox Arevalo
December 07, 2018

Walang kinalaman sa korapsyon ang pagbaba sa pwesto ni dating Philippine Air Force Commanding General Lt. Gen. Galileo Kintar.

Ito ang nilinaw ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Brig. Gen Edgard Arevalo sa isang statement matapos na lumutang sa social media ang espekulasyon na napilitan lang si Kintanar na magretiro ng maaga dahil sa umano’y anomalya sa AFP modernization program.

Nakatakda sanang magretiro si Kintanar sa January 2020 pa, pagsapit ng mandatory retirement age na 56.

Si Lieutenant General Rozzano Briguez ang itinalaga ng Pangulo bilang kapalit ni Kintanar epektibo nitong December 5.

Binigyang-diin ni Arevalo na walang iregular sa pagkakatalaga kay Briguez bilang kapalit ni Kintanar, kundi bahagi lang ito ng “ongoing movement” sa pamunuan ng AFP.

Sinabi naman ni AFP Public Affairs Office Chief Col. Noel Detoyato na kusang-loob na nagbigay-daan lang si Kintar upang maka-angat din ang mga Junior Officers para sa benepisyo ng organisasyon.

Dagdag ni Detoyato, ang kanyang pagkakaalam ay naging usapan na ito bago pa man umupo si Kintanar bilang pinuno ng Philippine Air Force.  | ulat ni Leo Sarne