Pagbibigay ng gun amnesty, pinag-aaralan para mapababa ang bilang ng loose firearms sa bansa
July 13, 2018

Pinag-iisipan na ng Pambansang Pulisya ang pagpapatupad ng gun amnesty sa buong bansa bilang solusyon sa problema ng paglobo ng bilang ng loose firearms.

Ayon kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Oscar Albayalde, sa tulong nito ay mahihikayat ang mga gun owner na kuhanan na ng lisensya o i-renew na ang rehistro ng kanilang mga baril.

Ayon aniya sa datos ng PNP Firearms and Explosives Office, tinatayang nasa isang milyon na ang hindi rehistradong baril sa Pilipinas.

Dagdag pa ng PNP chief na ang loose firearms na ito ang kadalasang ginagamit ng mga kriminal, gun-for-hire at private armed groups kaya’t nakababahala ang mataas na bilang nito.

Sa ngayon ay wala pang petsa kung kailan ito ipatutupad pero ipinahahanda na ng PNP chief sa mga gun owner ang kakailanganin nilang dokumento at nagpayong kunin na ang oportunidad na ito.

Bukod sa gun amnesty, pinalalakas na rin ang intelligence gathering nila sa loose firearms at mga hinihinalang gun-for-hire at private armed groups (PAGS).

Sinabi rin ni Albayalde na ginagawa na ng PNP-FEO ang lahat para pabilisin ang proseso sa pagkuha ng license to own and possess firearm (LTOPF). | ulat ni Nimfa Mae Asuncion