Palasyo, hands off sa pagpayag ng PNP sa presscon ni Bikoy
May 24, 2019

Dumistansiya ang Malacañang sa puna ng isang senador tungkol sa naging pagharap kahapon ni Peter Joemel Advincula alias Bikoy sa Kampo Crame na nagsilbing venue upang baligtarin ang una na nitong mga isiniwalat noon sa Integrated Bar of the Philippines (IBP) tungkol sa “Ang totoong narcolist video.”

“No comment,” sabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo nang matanong sa pagkakataong ibinigay ng PNP kay Bikoy na makapagsalita sa pulong balitaan katulad ng ginawa nito sa IBP.

Ayon kay Panelo, PNP ang makapagbibigay ng paliwanag sa isyu tungkol sa naging pagharap ni Bikoy na kusang loob na sumuko sa mga awtoridad sa national headquarters ng PNP at mula doo’y nagsiwalat ng mga rebelasyon kontra sa oposisyon na ibang-iba sa mga isiniwalat nito noong siya’y nagsalita sa IBP.

Una dito’y inihayag ni PNP Chief General Oscar Albayalde na walang politika sa ginawa nilang pagpapahintulot kay Bikoy para makapagsalita.

Pero para kay Senador Panfilo Lacson, sana man lang daw ay tinimbang munang maigi ng PNP ang mga bagong akusasyon ni Bikoy bago pinayagang makapagsalita sa isinagawang press conference.  | ulat ni Alvin Baltazar