PNP, handang magbigay ng dagdag-seguridad sa mga pari kasunod ng pamamaril sa Archbishop’s Palace sa Cebu
July 12, 2018

Handa ang Philippine National Police (PNP) na magbigay ng dagdag-seguridad sa mga kaparian kung hihilingin ng mga ito.

Sinabi ito ni PNP Chief Oscar Albayalde matapos ang pagkakapaslang ng Cebu Police sa isang lalaking diumano’y nagtangkang pumatay kay Cebu Archbishop Jose Palma nitong Lunes.

Ayon kay Albayalde, wala pa namang hiling na dagdag-seguridad ang kaparian sa loob ng Archbishop’s Palace o sa kahit na anong simbahan pero kung kinakailangan ay papaigtingin nila ang seguridad at pagpapatrolya sa paligid ng tinitirhan ng mga pari.

Sa ngayon ay wala pang nai-establish na motibo ang mga autoridad kaugnay ng tangkang pagpatay kay Archbishop Palma.

Pero base sa inisyal na imbestigasyon ay napag-alaman umanong may problema sa pag-iisip ang napatay na suspek na si Jeffrey Cañedo. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion