PNP, handang tulungan sa pagsasampa ng kaso ang kolumnistang inaresto sa “mistaken identity” 
June 13, 2019

Handa ang Philippine National Police (PNP) na tulungan ang kolumnistang inaresto dahil sa “mistaken identity” na si Margarita Valle sa pagsasampa ng kaso kaugnay ng maling pag-aresto sa kanya.

Ito ang inihayag ni PNP Spokesperson Police Col. Bernard Banac, kasabay ng pagsabi na “regrettable” ang nangyari kay Valle.

Una na rin aniyang humingi ng paumanhin at pang-unawa si Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Regional Chief PCol. Tuzon sa nangyari kay Valle.

Si Valle ay inaresto ng CIDG noong linggo ng umaga sa Laguindingan Airport at dinala sa CIDG Pagadian City, sa pag-aakala na siya ay si Elsa Renton, isang communist leader na subject ng dalawang arrest warrants para sa kasong multiple murder, frustrated murder at arson.

Sa isang press conference sa Lungsod Quezon, sinabi ni Valle na “unlawful arrest” ang ginawa ng mga pulis sa hindi pagpapahintulot sa kanya na basahin ang arrest warrant, o tumawag sa kanyang abogado.

Sinabi naman ng abogado ni Valle na si Kathy Panguban, na magsasampa sila ng arbitrary detention charges laban sa CIDG.

Tiniyak naman ni Banac na isang full dress investigation ang isinasagawa ngayon, para madetermina kung may dapat panagutin sa nangyari.  | ulat ni Leo Sarne