PRO 12, naka-high alert sa Kapa rally sa GenSan, kasabay ng pagbisita ng Pangulo
June 13, 2019

Itinaas ng Police Regional Office 12 sa “high alert” ang kanilang status, dahil sa malaking rally ng mga miyembro ng Kapa Community Ministry International Incorporated sa General Santos City, na kasabay ng pagbisita ng Pangulong Rodrigo Duterte ngayong araw na ito.

Sa ulat ng PRO 12 na nakarating sa Camp Crame, sinabi ni PRO 12 Director Bgen Eliseo Tam Rasco na malaking bilang ng supporters ng Kapa mula sa iba’t ibang lalawigan ang nagtitipon ngayon sa Pedro Acharon Sports Complex.

Ito ay para sa isang prayer rally bilang pagsuporta sa Kapa, na una nang ipinasara ng pamahalaan, dahil umano sa pagiging isang malaking investment scam.

Ayon kay Rasco, ang pagkakasabay ng pagtitipon ng malaking bilang ng mga tao sa siyudad, sa pagbisita ng Pangulo ngayong hapon, ay posibleng panganib sa seguridad ng Pangulo.

Bagamat nangako ang mga miyembro na magiging mapayapa ang kanilang pagtitipon, sinabi ni Rasco na maaaring samantalahin ng mga “lawless group” ang pagkakataon para maghasik ng kaguluhan.

Bilang pag-iingat, naka-standby aniya ang buong puwersa ng PRO 12, kasama na ang “force multipliers” sa anumang kaganapan. | ulat ni Leo Sarne